Abiso sa Privacy
Huling binago 2026-09-25 · Sagot sa Kalam
Ano ang kinokolekta ng app at ano ang hindi. Ayon sa Data Privacy Act of 2012 (RA 10173).
Sino kami
Ang Sagot sa Kalam ay isang libreng recipe app at website para sa lutong Pilipino. Kami ang personal information controller sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173). Email: privacy@sagotsakalam.com.
Sakop ng abisong ito ang website na https://sagotsakalam.com at ang Android app na Sagot sa Kalam. May sariling abiso ang contributor form sa ambag.sagotsakalam.com dahil may kinokolektang impormasyon doon.
Ang maikling sagot
Walang account dito. Walang sign-up. Hindi ka namin hinihingan ng pangalan, email o numero. Basta bumukas ka at gamitin. Ang mga sangkap na pipindutin mo sa Meron Ako ay nananatili sa phone mo lang — hindi ito naipapadala sa amin.
Anong naiiwan sa device mo
- Mga napiling sangkap — nakatago sa local storage ng browser mo para hindi ka na magsimula sa umpisa sa susunod. Nasa device mo lang ito.
- Offline cache — ang mga pahinang binuksan mo ay itinatago para mabasa pa rin kahit walang signal.
Mabubura ang dalawang ito kapag nag-clear ka ng browser data, o kapag pinindot mo ang I-clear ang napili sa Meron Ako. Sa Android app, sa pag-uninstall.
Anong naitatala kapag bumisita ka
- Server log ng hosting — ang website ay nasa Netlify, Inc. Gaya ng lahat ng website, may awtomatikong tala ng IP address, uri ng browser at kung anong pahina ang hiningi. Para ito sa seguridad, sa pag-iwas sa pang-aabuso, at para gumana ang serbisyo. Hindi namin ginagamit ang mga ito para kilalanin ka.
- Walang analytics at walang ads sa ngayon. Kung magdagdag kami balang-araw, babaguhin namin ang abisong ito at sasabihin dito nang malinaw bago ito gumana.
- Walang tracking cookies. Hindi kami naglalagay ng cookie para subaybayan ka sa ibang website.
Mga third party na gumagana sa mga pahina
Dalawa lang ang serbisyong hindi amin na kasangkot, at makikita nila ang IP address mo dahil sa device mo mismo galing ang request:
- Netlify, Inc. — ang nagho-host ng site. Sa kanila dumadaan ang bawat pahina.
- YouTube (Google LLC) — ang thumbnail ng video ay galing sa server ng YouTube (i.ytimg.com) pagbukas ng pahina ng ulam. Hindi bumubukas ang player hangga't hindi mo pinipindot ang play. Kapag pinindot mo, YouTube na ang nagpapatakbo niyon at sila ang may sariling patakaran — ginawa namin itong ganito para mabilang ang panonood sa creator na gumawa ng video.
Ang font, larawan at lahat ng iba pa ay galing mismo sa sagotsakalam.com. Dati ay kinukuha namin ang font sa Google Fonts, kaya nasasabihan ang Google sa bawat pahinang bubuksan mo — inalis na namin iyon.
Maaaring nasa labas ng Pilipinas — gaya ng Estados Unidos — ang mga server nila. Kami pa rin ang mananagot sa impormasyon mo sa ilalim ng Section 21 ng RA 10173.
Ang Android app
Pareho ang app at ang website — walang account, walang hinihinging pangalan o email. Walang hinihinging permiso ang app sa contacts, camera, location, files o microphone. Kailangan lang nito ng internet para kumuha ng bagong ulam at para gumana ang video.
Kapag kinuha mo ito sa Google Play, may sariling tala ang Google tungkol sa pag-install at sa mga crash report, ayon sa patakaran nila — wala kaming kontrol doon.
Para sa mga nag-aambag ng recipe
Kung nagpadala ka ng recipe sa ambag.sagotsakalam.com, may impormasyon kaming hawak tungkol sa iyo: pangalan para sa credit, email, at kung ibinigay mo — channel at lugar. Nakasulat nang buo sa abiso ng form kung paano namin ito ginagamit, kung ano ang makikita ng publiko, at gaano katagal itatabi. Ang email mo ay hindi kailanman ilalathala.
Mga bata
Hindi partikular na para sa mga bata ang app na ito at hindi kami sadyang nangongolekta ng impormasyon mula sa kanila. Labingwalong taon pataas lamang ang pinapayagang mag-ambag ng recipe.
Ang mga karapatan mo
Sa ilalim ng Data Privacy Act, may karapatan kang maabisuhan, makita ang impormasyong hawak namin, ipaayos ito kung mali, tumutol sa paggamit nito, ipabura o ipahinto ito, makuha ang kopya sa digital na anyo, at mabayaran kung napinsala ka dahil sa maling paggamit nito.
Mag-email lang sa privacy@sagotsakalam.com at sasagutin ka namin sa loob ng 15 araw. Kung sa tingin mo ay may nilabag kami, maaari kang magreklamo sa National Privacy Commission.
Seguridad
HTTPS ang gamit ng buong site. Ang Sagot sa Kalam team lamang ang may access sa mga ambag. Walang sistemang ganap na ligtas; kung magkaroon ng breach na makakaapekto sa iyo, aabisuhan ka namin at ang National Privacy Commission ayon sa batas.
Pagbabago sa abisong ito
Kapag may binago kami, papalitan namin ang petsa sa itaas. Kung malaki ang pagbabago — halimbawa kung magdagdag kami ng analytics o ads — ipapaalam namin ito sa unang pahina ng app bago ito gumana.
May tanong tungkol dito: hello@sagotsakalam.com